BOAC, Marinduque — Patuloy na isinasagawa ang dalawang araw na ‘development planning and workshop’ sa mga barangay na sakop ng bayan ng Boac.
Nitong Abril 22 hanggang 23 ay ginawa ang Barangay Development Planning and Workshop (BDPW) sa Casa Real kung saan ay dinaluhan ito ng mga opisyales ng Barangay Balagasan, Bamban, Catubugan, Daig, Mainit, Malbog, Poctoy at Tumapon.
Layunin ng BDPW na makapagbigay ng pagsasanay at maturuan ang mga opisyales ng barangay sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyektong angkop sa kanilang pamayanan.
Ayon kay Mayor Armi Carrion, umaasa siya na sa pamamagitan ng ganitong gawain ay mas madagdagan at higit na lumawak ang kaalaman ng mga kapitan, kagawad at ingat-yaman sa wastong pamamalakad at paghawak ng pondo sa barangay level.
“Ibinahagi po natin sa kanila ang tamang kaalaman tungkol sa Barangay Development Planning na lubhang magagamit nila para sa pamamahala ng kani-kanilang barangay na nasasakupan”, pahayag ni Carrion.
Ang gawain ay pinangasiwaan ng Municipal Planning and Development Office (MPDO) katuwang ang opisina ng alkalde at mga bumubuo sa sangguniang pambayan kabilang si Vice Mayor Sonny Paglinawan.
Samantala, naging daan din ang pagpupulong upang patuloy na hikayatin ang mga miyembro ng barangay health emergency response team (BHERT) na magpabakuna bilang dagdag proteksyon sa mga kagaya nilang palaging humaharap sa taumbayan para magserbisyo. — Marinduquenews.com