BFAR, namahagi ng seaweed seedlings sa Gasan

GASAN, Marinduque — Umabot sa tatlong metreko tonelada ng damong-dagat o seaweed propagules ang ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA)-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga mangingisda sa bayan ng Gasan, kamakailan.

Ayon kay Dave S. Umali, OIC-Provincial Fishery Officer ng BFAR-Marinduque, tatlong asosasyon na binubuo ng halos 100 mangingisda mula sa Barangay Pinggan at Gaspar Island ang tumanggap ng seaweed seedlings at plastic floater.

“Dito po sa Marinduque, karamihan sa mga seaweed farmer ay nasa Gasan at may ilan sa Maniwaya, Santa Cruz kaya sila po ang napili na mabigyan ng mga seaweed propagule at iba pang seaweed farming paraphernalia”, pahayag ni Umali.

Sinabi naman ni Vanessa F. Tayaba, OIC-Municipal Agriculture Officer ng lokal na pamahalaan ng Gasan, dumarami na ang bilang ng mga mangingisda na nagtatanim ng damong-dagat sa kanilang bayan sapagkat nagiging alternatibong kabuhayan ito ng mga mamamayang nakatira malapit sa mga coastal area.

“Marami na po ang na-eenganyong magtanim ng damong-dagat dito sa Gasan dahil, unang-una, ang karagatang sakop ng Barangay Pinggan at Gaspar Island ay angkop para sa propagation ng seaweed. Pangalawa, malaki po ang tulong nito sa aming bayan, sapagkat nagbibigay ito ng dagdag-kita sa aming mga mangingisda”, ani Tayaba.

Patuloy aniyang tututukan ng ahensya ang industriya ng seaweeds sa Marinduque para mapalago pa ang produksyon nito. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!