BFAR, Rotary Club namigay ng kagamitang pangisda sa Boac

BOAC, Marinduque – Namahagi ng mga kagamitan para sa mga mangingisda ng Barangay Lupac sa bayan ng Boac ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) katuwang ang Rotary Club (RC) of Marinduque North kamakailan.

Kabilang sa mga ipinagkaloob ay 10 fish net at 15 hook and line na tinanggap ng may 25 mangingisdang benepisyaryo.

Ayon kay Dave Umali, officer-in-charge ng BFAR-Marinduque makatutulong ang mga lambat, nylon at biwas bilang karagdagang gamit ng mga maliliit na mangingisda sa kanilang paghahanapbuhay.

Bago ang pamamahagi ay nagkaroon din ng oryentasyon na pinangunahan ni Evangeline Mandia, transformational president ng RC Marinduque North kungsaan ay tinalakay ang tamang pamamaraan sa paghuli ng isda upang maiwasan na rin na masangkot ang mga mangingisdang benepisyaryo sa illegal fishing.

“Ako po ay natutuwa na makapagsagawa ng ganitong informational campaign drive. Balak din po naming gumawa ng mga pamphlet na maaring mabasa ng ating mga kababayang mangingisda para magkaroon sila ng sapat na kamalayan sa tamang pag-iingat ng ating kalikasan at karagatan”, pahayag ni Mandia.

Maliban kina Umali at Mandia, ang gawain ay dinaluhan din ng mga miyembro at kinatawan ng iba’t ibang Rotary Club sa bansa kagaya ng RC Lipa Midwest, RC Padre Garcia, RC San Juan at RC San Pablo City na personal na nagtungo sa lalawigan para sa isang collaborative program na tinawag na ‘Úplifting Lives with 7 in 1 Projects in Marinduque’. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!