Bilang bahagi ng pagdiriwang ng “Fire Prevention” ngayong buwan ng Marso at upang paigtingin ang ‘information campaign’ ng gobyerno sa pangunguna ng Bureau of Fire Protection (BFP), nakasama natin ang BFP-Boac upang pag-usapan ang mga hakbang na kailangang malaman ng taumbayan para makaiwas sa sunog ang ating mga tahanan o gusali. Narito ang mga tips mula sa Disaster Preparedness and First Aid Handbook na dapat nating isaalangalang:
1) Huwag maninigarilyo sa higaan o kama lalo na pagkatapos uminom o maglasing.
2) Tanggalin ang mga delikadong bagay na maaaring pagsimulan ng sunog sa loob ng inyong tahanan katulad ng mga basura at iba pang flammable materials.
3) Itago ang posporo o lighter sa lugar na hindi maaabot ng bata.
4) Huwag itatapon ang upos ng sigarilyo sa basurahan. Ugaliing maglagay ng ashtray sa inyong tahanan kung may naninigarilyo. Ugaliin ding patayin ang upos ng sigarilyo bago ito itapon.
5) Huwag ilagay ang kandila, oil o gas lamps sa malapit sa kurtina o mga bagay na madaling magliyab. Siguraduhin ding hindi ito mapaglalaruan ng bata o masasagi ng alagang hayop. Patayin ang nakasinding kandila bago matulog.
6) Huwag magtago ng mga flammable materials katulad ng gasoline, alcohol at pintura sa loob ng inyong tahanan.
7) Iwasan ang pagsusunog ng basura lalo na ng plastic at rubber sa inyong bakuran.
8) Mahalagang may fire extinguisher sa loob ng inyong tahanan.
9) Huwag iwanan ang niluluto lalo na kung may mantika sa kawali, habang nagpiprito. Sakaling bigla itong magliyab dahil napabayaan, huwag bubuhusan ng tubig dahil lalong lalaki ang apoy, sa halip ay takpan ng basang basahan o basang towel ang kawali.
10) Iwasan ang pagsasaksak ng maraming appliances sa isang outlet o octopus connection.
11) Posible ring pagsimulan ng apoy ang mga sirang plug dahil sa overheating.
12) Siguraduhing inalis o tinanggal ang plantsa sa outlet pagkatapos gamitin.
13) Palaging i-tsek ang gas hose ng inyong LPG at palitan na kaagad kung ito ay may sira.
14) Huwag magbasa sa kama gamit ang kandila o gasera.
15) Sumunod sa “No Smoking” signs.
Maging listo kapag naganap na ang hindi inaasahang sunog upang makaiwas sa mas malalang pinsala.