BOAC, Marinduque – Pumalo na sa 55 ang kabuuang kaso ng COVID-19 na naitala sa Marinduque simula ng pumutok ang pandemya sa bansa.
Ito ay matapos makapagtala ng tatlong panibagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 ang Provincial Health Office (PHO) ngayong araw, Oktubre 4.
Ayon sa PHO, dalawa sa bagong kaso ay nagmula sa bayan ng Santa Cruz habang ang isa ay nanggaling naman sa bayan ng Gasan.
Ang pasyente na nanggaling sa Gasan ay si Marinduque Patient No. 53, isang truck driver, 31 anyos at residente ng Barangay Bahi samantalang si Marinduque Patient No. 54 ay taga Barangay Lapu-Lapu, Santa Cruz na may gulang na 54 habang si Marinduque Patient No. 55 na 38 taong-gulang ay nakatira naman sa Barangay Pantayin, Santa Cruz. Sila ay parehong door-to-door van driver.
Sa kasalukuyan, 32 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan. Pinakamaraming bilang nito ay nagmula sa bayan ng Boac na mayroong 11, 6 sa Mogpog, 5 sa Buenavista, 4 sa Torrijos samantalang parehong 3 naman ang naitala sa mga bayan Gasan at Santa Cruz. – Marinduquenews.com