Binatilyo patay, matapos tangayin ng malakas na alon sa Bunganay

BOAC, Marinduque – Patay na ng matagpuan ang isang binatilyo matapos tangayin ng malakas na alon kahapon sa karagatang sakop ng Barangay Bunganay, Boac.

Kinilala ang biktima na si Victor Aguirre, Jr., 16 anyos, naninirahan sa Barangay Cawit sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Marinduque News kay Lorena Artazo, kagawad ng Barangay Bunganay, nangyari ang insidente bandang alas 4:30 ng hapon kahapon, Agosto 30.

“Alas kwatro y media po siguro iyon ng hapon habang kami ay nagabahog ng baboy, nakita po namin ang biktima na nanonood sa mga nagaliguan sa dagat. Na-engganyo po siguro siya dahil ‘ýong mga kabarkada nýa ay nagaliguan, kaya nagligo din siya”, sabi ni Artazo.

“Kwento po noong isa sa mga anak ko, nakita po nila na napadpad sa laot si Victor. Kaya agad itong humingi ng saklolo”, dagdag na pahayag ni Kagawad Artazo.

Kaninang pasado alas 10:30 ng umaga, matapos ang humigit kumulang na 18 oras na search and retrieval operation ng Boac Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), Provincial Maritime Police, Philippine Coast Guard at Kabalikat Civicom ay nakita ang katawan ng biktima na wala ng buhay.

Nagpaalala naman si Chito Larga, head ng Boac MDRRMO na maging maingat at iwasan ang paglangoy sa dagat kapag malalaki ang hampas ng alon sa dalampasigan.Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!