LUCENA PORT, Lucena City – Nagsimula nang makabiyahe ang mga barko mula at patungo sa mga daungan ng Lucena at Marinduque ngayong gabi, Lunes, Disyembre 26.
Ito’y matapos payagan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga shipping lines na mag-resume ng kanilang operasyon kasunod ng paghina ng bagyong #NinaPH.
Inalis na ng Pagasa ang babala ng bagyo kaninang alas-5:00 ng hapon sa mga nabanggit na lugar kaya’t makabibiyahe na ang anumang uri ng sasakyang pandagat na naantala sa nakalipas na isang araw, maliban na lamang sa ilang maliliit na bangka na hindi maaaring maglayag sa gabi.
Ayon sa panayam ng Marinduque News Online kay Cristina Reyes, Starhorse shipping management officer, makakabiyahe na patungong Marinduque ang may halos 200 estranded na pasahero sa Lucena Port, Lucena City.