Anong magagandang tanawin at masasarap na pagkain kaya ang nagaabang kay biyaHERO Drew sa Marinduque?
Bago ang nakatakdang pagpapalabas ng Biyahe ni Drew mamayang gabi, pinahulaan n’ya muna sa mga netizen kung saang lugar ang kaniyang susunod na destinasyon.
Dahil ito lamang ang ibinigay na clue, _ A _ _ _ _ _ _ _ E, may mga humula na PARANAQUE at MASBAAAATE raw ito. Kaya naman, ang isa nating kababayan na si Japs Cee, dadali-daling sumagot, “Sa Marinduque baya ‘yan. Ei!”
Samantala, ibinigay naman ni Raffy Garcia, ang pangalan ng lugar na mismong kinatatayuan ni Drew, “Sa Sunong Bato Rock Formation sa Maniwaya Island, bayan ng Santa Cruz, Marinduque po iyan”.
Sapagkat marami ang nakahula, tuluyan ng ipinakita ng cool na host ng programa ang tagong ganda ng lugar.
Binisita rin ni Drew ang pinakamatandang istruktura sa lalawigan, ang Boac Cathedral, kung saan ayon sa kasaysayan, dito nagtago ang mga ninunong Marinduqueno noong sinubukan silang sakupin ng mga pirata.
Sa pag-ikot sa isla, sa mala-Boracay na Poctoy White Beach sa bayan ng Torrijos, siya nagpahinga. Ito ay may isang kilometro ang haba at dahil sa hindi matao ang lugar, pakiramdam ng mga bumibisita ay nasa isang pribadong beach sila.
Read also: Biyahe ni Drew, muling nagbalik sa Marinduque
Siyempre, hindi kompleto ang bakasyon, kung hindi titikman ang mga pagkaing naroroon. Kaya naman, ang mga lokal na kakanin sa palengke, lalo na ang fried arrow root fingers ang kanyang ginawang miryenda. Sa halagang kinse pesos kada balot, hindi ka kaagad magugutom sa paglilibot sa isla. Oy, pahing-a naman kami, kuya!
Hamos na baya at samahan si Drew Arellano sa kanyang pamamasyal sa Lenten Mecca of the South, ang probinsya ng Marinduque. Ngayong Biyernes na, 8:00PM sa GMA News TV!
Ano, sama ka?
Photos and video courtesy of Biyahe ni Drew