Tinanghal na Best Municipal Fire Station of the Year ang Boac Municipal Fire Station ng lalawigan ng Marinduque sa katatapos lamang na ika-26 na Anibersaryo ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ginanap sa AFP Theatre, Camp Aguinaldo, Quezon City nitong Miyerkules, Agosto 2.
Mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nag-abot ng parangal na tinanggap naman ni Boac Municipal Fire Marshall Felix Echavaria, Jr.
Ang aktibong pakikibahagi sa mga aktibidad ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mahigpit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, maayos na pamamahala sa mga panahon ng rescue operations tuwing may kalamidad, pagbibigay ng mga seminar at drills tungkol sa kahandaan at pag-iingat sa sunog ang mga ilan sa accomplishments ng Boac BFP.
“Sana ay maging ehemplo at inspirasyon itong natanggap nating karangalan na iginawad ng Pangulong Duterte sa ating ahensya. Nawa ay mas ganahan pa ang bawat miyembro ng pamatay sunog lalo na ang BFP-Marinduque na magbigay ng magandang serbisyo-publiko sa ating mamamayan”, bahagi ng pahayag ni SF04 Echavaria sa ekslusibong panayam ng Marinduque News.
Read also: BFP-Boac, nagbigay ng mga tagubilin upang maiwasan ang sunog
Bukod sa plaque of appreciation ay tumanggap din ang BFP-Boac ng cash incentive na nagkakahalaga nang sampung libong piso.
Samantala, maliban sa ilang indibidwal ay kinilala rin ang Valenzuela Fire Station bilang Best City Fire Station of the Year, Best Provincial District Office of the Year naman ang BFP Batanggas Provincial Office, Best Directorial Office of the Year ang Directorate for Personnel ng BFP National Head Quarter at Best Regional Office of the Year naman ang BFP Region 1.
Tema ng pagdiriwang sa taong ito ay “BFP at 26, Embracing the Challenge of Sustaining its Commitment Towards a Fire Safe Community”.