BOAC, Marinduque — Tatapyasan ng higit P1.7 bilyon ang kabuuang budget ng Marinduque State University (MarSU) para sa taong 2025.
Sa 2025 proposed budget ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., nasa 28 na state colleges and universities (SUCs) sa buong bansa ang balak na kaltasan ng pondo upang tiyakin ang libreng edukasyon sa kolehiyo.
Base sa datus ng Kabataan Party-list, kung ‘percent decrease’ ang pag-uusapan, pangalawa ang MarSU sa Top 10 SUC na may pinakamalaking pondo na inaasahang mababawasan sakaling maaprubahan ang nasabing proposed budget.
Mula sa overall budget na P2,024,913,000 ngayong 2024, pagdating ng 2025 National Expenditure Program, magiging P369,442,000 na lamang ito kung saan ay matatapyasan ito ng nasa P1,655,471,000.
Pagdating sa capital outlay, mula sa budget ngayong 2024 na P1,737,665,000 magiging P42,400,000 na lamang ito sa 2025.
Samantala, kaisa ang Makabayan bloc ay nanawagan ang Kabataan Party-list na sa halip umano na bawasan, dapat dagdagan pa ang pondo para sa mga SUC.
“Tama na, Sobra na! Kabataan, makiisa sa panawagan, dagdagan ang budget sa edukasyon hindi sa digmaan,” bahagi ng pahayag ng Kabataan Party-list. — Marinduquenews.com