BUENAVISTA, Marinduque — Pumanaw na sa edad na 45 nitong Sabado si Buenavista Vice Mayor Hannillee Siena.
Ayon kay Dr. Eleanor May Grate, municipal health officer, cardiac arrest ang ikinamatay ng bise-alkalde.
Nasa halos dalawang dekadang nagsilbi bilang lingkod bayan si Kleng, tawag sa kanya ng malalapit na kamag-anak at kaibigan.
Nag-aaral pa lamang sa kolehiyo ay naging pangulo na ng Panlalawigang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan (SK) sa Marinduque si Vice Mayor Siena.
Nahalal bilang konsehal mula 2006 hanggang 2010 at nanalo sa pagkabise-alkalde noong 2016.
Kumandidato at muling naluklok bilang pangalawang punong-bayan nitong nakalipas na 2019 midterm elections.
Si Siena ay ipinanganak noong Oktubre 8, 1975 at nagtapos ng BS Economics sa Polytechnic University of the Philippines taong 1996.
Bumuhos naman ang pakikiramay sa pamilya ng bise-alkalde matapos ang kanyang pagpanaw.
Ilan sa mga nagpahatid ng pakikidalamhati sa hindi inaasahang pagkawala ni Siena ay si Gov. Presbitero Velasco, Jr.
“Ako po ay labis na nalulungkot sa maagang pamamaalam ng masipag at mabuting bise-mayora ng Buenavista. Tunay po ang tapat na paninilbihan at pagmamahal ni Vice Mayor Siena na inalay hindi lamang sa bayan ng Buenavista bagkus ay maging sa buong probinsya ng Marinduque,” pahayag ni Velasco. – Marinduquenews.com