BOAC, Marinduque — Aabot sa P7 milyon ang halaga ng mga kagamitang pansaka at iba pang interbensyong pang-agrikultura ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) sa mga benipesyaryong magsasaka at farmer association sa lalawigan ng Marinduque.
Isinabay ang pormal na pagkakaloob ng mga kagamitan sa pagdiriwang ng ika-104 taong anibersaryo ng probinsya noong Miyerkules, Pebrero 21 kung saan personal na dumalo bilang panauhing pandangal si Atty. Christopher Bañas, regional executive director ng DA-Mimaropa kasama si Sen. Christopher Go.
Ayon kay Bañas, sa nakalipas na mga dekada ay pinatunayan ng mga Marinduqueno lalong lalo na ng mga kabataan ang pagmamahal at paglinang sa mga lupang sakahan, yamang agrikultura at pangisdaan sa probinsya.
“Nakatutuwa po ang aktibong pakikilahok ng inyong mga kabataan sa aming programa na Young Farmers Challenge (YFC). Maraming mga kabataan mula sa probinsiyang ito ang napapabilang sa YFC kung saan iprenisenta nila sa amin ang kanilang mga nakamamanghang mga ideya upang iangat ang sektor ng pagsasaka at pangisdaan sa inyong bayan,” pahayag ng regional executive director.
Umabot na sa 50 start-up enterprise na panakula ng mga kabataan ang nagawaran ng mga pampanimulang puhunan upang maisakatuparan ang kanilang mga proyekto na malaki ang maitutulong sa pag-angat at pag-abot ng seguridad sa pagkain ng mga mamamayan ng probinsiya.
Dagdag ni Bañas, napanatili rin ang malawak na coconut area sa Marinduque na naging daan para makita ang potensiyal sa produksiyon ng cacao o intercropping na makapagbibigay ng karagdagang kabuhayan para sa mga magsasaka.
“Dahil po sa inyong kasipagan at suporta ng inyong lokal na pamahalaan ay mas nagiging inspirado kami sa aming trabaho bilang kaagapay ninyo sa pagpapaunlad kaya ngayong araw ay may hatid kaming mga kagamitan at iba pang interbensyon na alinsunod sa direktiba ng aming Kalihim na si Francisco Tiu Laurel, Jr.,” wika ng pangrehihiyong direktor.
Kabilang sa mga ipinamahagi sa mga benepisyaryo ay apat na hand tractor para sa apat na samahan ng mga magsasaka na may pondong nagkakahalaga ng P599,424; 26 rolls of UV plastic film para sa 18 samahan ng mga magsasaka na may kabuuang pondo na P836,680; 12 yunit na power sprayer para sa 12 na samahan na pinondohan ng halagang P359,400 at isang village type dryer na mayroong budget fund na P3.249 milyon.
Samantala, ipinagkaloob din sa Bahi Agricultural and Fisheries Association at Kapatirang Marinduqueno-Mogpog Fisheries-Agriculture Cooperative ang tig P1 milyon na trading fund mula sa Enhanced Kadiwa Program na makatutulong para sa mas mabilis at mabisang pagbebenta ng kanilang mga produkto. — Marinduquenews.com