BOAC, Marinduque — Nakatakdang dumating ngayong araw si Department of Agriculture Secretary William Dar sa lalawigan ng Marinduque.
Base sa itineraryo ng kalihim, inaasahang darating sa Marinduque Airport sa Gasan ang helikopter na sasakyan nito sa pagitan ng alas 7:00 hanggang alas 8:00 ng umaga.
Agad itong magtutungo sa Provincial Convention Center upang isagawa ang lagdaan ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng Provincial-Led Agriculture and Fishery Extension System (PAFES).
Pagkatapos ng paglagda sa MOA ay isasagawa ang press conference na pangungunahan ng Philippine Information Agency.
Susundan ito ng pamamahagi ng mga interbensiyon ng DA-MIMAROPA na aabot sa P39-M. Ito ay pinapalooban ng mga makinarya tulad ng anim (6) na rice thresher; walong (8) hand tractor; tatlong (3) grass cutter; 10 unit ng PISOS, ilang HDPE Pipe na may kabuuang halagang P2.9-M. May kasama ding 5,600 na sako ng rice certified seeds mula sa Rice Program na nagkakahalagang P4.754-M, 200 sako mula naman sa rehab na nagkakahalagang P304,000 at assorted vegetables seeds na nagkakahalagang P449,820. Ang mga ito ay tatanggapin ng higit sa 45 mga samahan ng mga magsasaka sa anim na bayan ng Marinduque. — Marinduquenews.com