BUENAVISTA, Marinduque — Inaasahang nasa 80 miyembro ng Samahan ng mga Mangingisda sa Barangay Yook sa bayan ng Buenavista ang makikinabang sa P1,195,000 pondong inilaan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang pagkakaloob ng nasabing tulong pinansyal ay bahagi ng pagsusumikap ng ahensya na makatulong sa lahat ng sektor ng lipunan lalo na sa mga manggagawa at mangingisda upang mapabuti ang kanilang paghahanapbuhay.
Ang pondo ay nakalaan sa pagbili ng mga engine motor para sa mga bangka ng mga benepisyaryo gayundin sa pagbili ng mga kagamitan sa pangingisda kagaya ng fishing gears at iba pa.
Ayon kay Philip Alano, provincial director ng DOLE, ang programa ay nagpapakita ng patuloy na pakikipagtulungan ng kanilang tanggapan sa lokal na pamahalaan upang tutukan ang pagsusulong ng kalagayan ng mga mangingisda at suportahan ang industriya ng pangisdaan pati na rin ang kanilang pamilya.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Eduard Siena sa tulong na ibinigay ng DOLE para sa karagdagang suporta na ipinagkaloob sa mga mangingisda na aniya ay makatutulong ng malaki sa kanilang kabuhayan.
Patuloy ding pinalalakas ng DOLE ang iba pang mga programang makapagpapabuti sa kalagayan ng mga manggagawa sa lalawigan, ilan na rito ay ang DOLE-TUPAD at Nego-Kart na laan para sa mga kwalipikadong mamamayan. — Marinduquenews.com