DOLE, nagbigay ng P1.2-M sa mga mangingisda sa Mogpog

MOGPOG, Marinduque — Sa layuning maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga nasa laylayan ng lipunan, nagkaloob kamakailan ng livelihood assistance ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga mangagawang naninirahan malapit sa mga baybaying dagat ng Mogpog, Marinduque.

Personal na iniaabot ni DOLE Marinduque Provincial Director Philip Alano kay Mayor Augusto Leo Livelo ang cheke na nagkakahalaga ng P 1.2 milyon na mapakikinabangan ng nasa 60 mangingisda sa Barangay Argao na ang ilan ay mga magulang ng mga child laborer.

Ayon kay Alano, ang pondong ibinigay sa lokal na pamahalaan bilang accredited co-partner (ACP) ng ahensya ay nanggaling sa Kabuhayan Program ng DOLE kung saan inaasahan itong gagamitin sa pagbili ng mga makinang motor na makatutulong para mapahusay ang mga bangkang ginagamit sa pangingisda.

“Nais ng DOLE na palakasin ang negosyo sa pangingisda at seafood business operations ng ating mga benepisyaryo ng sa gayon ay tuluy-tuloy ang kanilang mapagkakakitaan at ng mapaigting ang kagalingang pang-ekonomiya ng munisipyo,” pahayag ng panlalawigang direktor.

Dagdag pa ni Alano, patuloy na susuportahan ng DOLE ang mga mangingisda sa probinsya sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang tulong pangkabuhayan, masigasig na pagsubaybay at paggabay sa mga mangagawa upang matiyak ang tagumpay ng bawat isa.

Ang DOLE Integrated Livelihood Program o Kabuhayan Program na may apat na kategorya, ang Kabuhayan Formation, Kabuhayan Enhancement, Kabuhayan Restoration at Community/Group Enterprise Development ay binuo ng kagawaran para makalikha ng maraming trabaho sa bansa. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!