DPWH Mimaropa regional director, sinibak sa pwesto; OIC itinalaga

BOAC, Marinduque — Inalis sa pwesto bilang regional director ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Mimaropa si Engr. Gerald A. Pacanan sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y iregularidad at substandard na mga flood control project sa Oriental Mindoro.

Batay sa kautusan ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, inilipat si Pacanan sa central office ng ahensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Itinalaga naman bilang Officer-in-Charge (OIC) Regional Director si Engr. Editha R. Babaran, na dati nang nagsilbi bilang Assistant Regional Director ng DPWH Region 2 (Cagayan Valley).

Ayon sa anunsyo na inilathala sa opisyal na Facebook page ng DPWH Mimaropa, si Babaran ay isang lisensyadong civil engineer na may 38 taong karanasan sa serbisyo—26 taon sa project management at supervision, at 12 taon sa office management at supervisory roles. Naging mahalaga rin ang kanyang kontribusyon sa pagpapatupad ng iba’t ibang imprastruktura sa Cagayan Valley. Bago siya italaga bilang assistant regional director ng Region 2, nagsilbi siyang assistant district engineer sa DPWH Isabela 1st District Engineering Office at district engineer sa Isabela 3rd District Engineering Office.

Naging laman ng balita kamakailan ang mga bumagsak na flood control project sa mga bayan ng Naujan at Bongabong, Oriental Mindoro, matapos matuklasan na umano’y manipis ang semento at undersized ang bakal na ginamit sa konstruksyon. Dahil dito, nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor.

Kasunod nito, naglunsad ng fraud audit ang Commission on Audit (COA) hinggil sa mga naturang proyekto alinsunod sa kahilingan ng gobernador.

Samantala, inakusahan ni Senador Raffy Tulfo si Pacanan na umano’y tumatanggap ng kickbacks at pagkakaroon ng sariling construction company na nakakuha rin ng mga flood control project. Binanggit naman ni Senador Panfilo Lacson sa kanyang talumpati ang pagkakaroon umano ng mga “ghost project” sa Sitio Dike, Barangay Apitong, Naujan, Oriental Mindoro.

Tumanggi si Pacanan na magbigay ng komento kaugnay sa mga alegasyon. — Marinduquenews.com