SANTA CRUZ, Marinduque — Nagbigay ng mga bagong makinarya ang Department of Trade and Industry (DTI) sa grupo ng mga magsasaka sa Barangay Devilla, Santa Cruz, kamakailan.
Sa pamamagitan ng isang ceremonial turn-over ay pormal na ipinagkaloob ng DTI-Marinduque ang 10 abaca twinning o panlubid na makinarya, 10 stripping machine at 12 dye-vat equipment sa Devilla CARP Beneficiaries and Farmers Association (DCBFA).
Ang DCBFA ay isang samahan na binubuo nang humigit 120 magsasaka na gumagawa ng handicraft products kagaya ng bag at parrot toy na yari sa buli o abaka.
Ayon kay Roniel Macatol, OIC provincial director ng DTI-Marinduque, malaki ang tulong na magagawa ng mga donasyong kagamitan sapagkat mapabibilis nito ang mga trabaho sa DCBFA.
“Itong Devilla CARP Beneficiaries and Farmers Association sa ngayon ang pinakabatang organisasyon na tinutulungan ng ating kagawaran sa ilalim ng proyektong Shared Service Facilities (SSF)”, pahayag ni Macatol.
Aniya, inspirasyon para sa DTI ang DCBFA sapagkat patuloy nilang pinauunlad ang mga proyekto at tulong na ibinibigay ng gobyerno sa kanilang samahan.
Ang Shared Service Facilities ay isang pangunahing proyekto ng DTI na may layuning tulungang i-angat at pabilisin ang produksyon ng isang negosyo sa pamamagitan ng mga makabagong sistema, teknolohiya at makinarya. — Marinduquenews.com