Escudero inakusahan tumanggap ng P160-M kickback sa 4 projects sa Marinduque, Valenzuela

BOAC, Marinduque — Mabigat ang naging paratang ng dating undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Robert Bernardo laban kay Senador Francis “Chiz” Escudero at sa kaibigan nitong negosyanteng si Maynard Ngu, may-ari ng Cherry Mobile at special envoy to China.

Ayon kay Bernardo, tumanggap umano si Escudero ng 20 porsiyento o ₱ 160 milyon na kickback mula sa ilang proyektong pang-imprastraktura sa Marinduque at Valenzuela City.

Sa kanyang testimonya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, Setyembre 25, sinabi ni Bernardo na, “Magkaibigan kami ni Maynard Ngu at matagal na ang aming ugnayan. Siya rin ay malapit na kaibigan at campaign contributor ni Senador Chiz Escudero.”

Dagdag pa ni Bernardo, si Ngu ang humiling sa kanya na magsumite ng listahan ng mga proyekto. Ilan sa mga proyektong ito na tumutukoy sa Marinduque at Valenzuela ay kalauna’y naisama sa General Appropriations Act (GAA).

Batay sa Bicam report ukol sa 2025 budget, iginiit umano ni Escudero na kunin ang 20 porsiyento na bahagi mula sa apat na proyekto: a) ₱300 milyon – rehabilitation and reconstruction ng Dr. Damian Reyes Road (Boac Side) Phase 1; b) ₱300 milyon – rehabilitation and reconstruction ng Dr. Damian Reyes Road (Boac Side) Phase 2; c) ₱100 milyon – flood control wall sa kahabaan ng Canumay Creek (Phase 2), Valenzuela City at d) ₱100 milyon – flood control wall sa kahabaan ng Canumay Creek (Phase 3), Valenzuela City.

Patuloy pang iniimbestigahan ng Senado ang bigat ng mga alegasyon laban kay Escudero at sa umano’y bagman niyang si Ngu.

Samantala, agad na naglabas ng pahayag si Escudero kung saan ay mariing itinanggi ng senador ang mga paratang na ginawa ni Bernardo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, aniya, hindi siya direktang nakontak ng huli ukol sa nasabing usapin at patutunayan niya na nagsisinungaling ang dating opisyal tungkol sa umano’y pagkakasangkot niya.

“It seems like there is a well-orchestrated plan to attack the Senate and its members to discredit the institution and divert public attention from the real perpetrators,” ani Escudero.

Kinuwestiyon din ni Escudero ang pagkawala ng ibang pangalan sa testimonya ni Bernardo, kabilang sina Bicol party-list Rep. Zaldy Co at Rep. Martin Romualdez. “If we base this on Usec. Bernardo’s statements, they have no guilt or involvement. This seems highly implausible,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Escudero, haharapin niya ang mga paratang at magsasampa ng kaukulang kaso laban kay Bernardo dahil sa tinawag niyang walang basehang akusasyon.

““For more than 27 years in public service, I have never once been charged with corruption. That record speaks for itself,” wika ni Escudero, at idinagdag na tiwala siyang mananatiling malinis ang kanyang pangalan at serbisyo sa oras na mailabas ang lahat ng katotohanan. — Marinduquenews.com