BUENAVISTA, Marinduque — Pumanaw na ang dating alkalde ng Buenavista na si Mayor Russel Madrigal, umaga ng Biyernes, Disyembre 22, sa edad na 66.
Mismong ang anak nito na si Richelle Madrigal-Dela Cruz ang nag-anunsyo ng malungkot na balita.
“It is with great sorrow that we announce the passing of our beloved father, Russel Sarmiento Madrigal — ‘Kuya Jing’ and ‘Talahib’ as what his loved ones would call him. He peacefully joined our Creator this Friday morning, December 22,” sabi ni Richelle sa kanyang Facebook post.
Hindi naman inihayag ang dahilan ng kamatayan ng kaniyang ama bagkus ay humingi ito ng dasal para sa pamilya.
“We ask for your prayers for the repose of his soul. Our family would like to request that you respect our privacy in our grieving moment,” ani Richelle.
Isang beterano sa larangan ng pulitika, naunang naglingkod si Madrigal bilang kapitan ng Barangay Dos at pangulo ng Liga ng mga Barangay noong Enero 27, 1997 hanggang Hunyo 30, 2010 bago naging alkalde ng munisipalidad mula Hulyo 1, 2010 hanggang Hunyo 30, 2019.
Matapos ang kanyang tatlong termino bilang local chief executive ay nagsilbi si Madrigal na executive assistant ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa ilalim ng administrasyon ni Gov. Presbitero Velasco Jr.
Samantala, nagpaabot naman ng taus-pusong pakikiramay ang kasalukuyang alkalde ng bayan na si Mayor Eduard Siena kung saan ay sinabi nito na isang masiyahing lider si Madrigal na nagtataglay ng tunay na pagmamahal at katapatan sa mga mamamayang kanyang pinaglingkuran.
“His legacy will live on in the services he delivered, and in the lives he touched over the course of his long career as a public servant,” wika ni Siena.
Naulila ni Madrigal ang kaniyang maybahay na si Nancy, anim na anak at mga apo. — Marinduquenews.com