TORRIJOS, Marinduque — Labis ang kasiyahan ng mga residente sa bayan ng Torrijos, Marinduque nang pailawan na ang dambuhalang Christmas tree at Tunnel of Lights na matatagpuan sa gilid na bahagi ng munisipyo.
May taas na 67 talampakan o katumbas ng apat na palapag na gusali ang tinaguriang higanteng Christmas tree sa buong probinsya.
Aabot naman sa 78 metro ang haba ng Tunnel of Lights na dagdag atraksiyon sa lugar.
Bagama’t naging payak ang pagbabasbas at pagpapailaw sa mga nabanggit na Christmas decoration bunsod ng umiiral na health protocol, sinabi ni Punongbayan Lorna Velasco na dapat ay patuloy pa ring alalahin ang pagsilang ng dakilang Panginoon kahit nasa ilalim ng pandemya ang bansa.
“Sadya pong kaibig-ibig na sa gitna ng pandemya ay sama-sama pa rin tayong nakaka-alala sa simbolo ng Pasko,” ani Velasco.
Bukas sa publiko ang nasabing mga atraksyon araw-araw mula 6:00 p.m. hanggang 9:30 p.m at 3:30 a.m hanggang 6:00 a.m.
Paalala naman ng Municipal Tourism Office sa mga bibisita na palaging pairalin ang minimum health standard protocol kagaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, at pagpapanatili ng physical distancing. – Marinduquenews.com