‘Gov. Reyes, huwag ibaon sa utang ang Marinduque’ -Macec

BOAC, Marinduque – “Gov. Reyes, huwag ibaon sa utang ang Marinduque”, ito ang isa sa mariing pinagsigawan ng mga mamamayan ng lalawigan nang maglunsad ng kilos protesta sa usaping may kinalaman sa Marcopper na isinagawa noong Biyernes, Marso 10 sa harapan ng provincial capitol.

Ayon sa report ng Manila Bulletin, kinontra ng mga residente ng lalawigan ang panukala umano ni Gov. Carmencita Reyes na mangutang ng $8 milyon o may katubas na P400 milyon na siyang gagamiting panustos sa bagong kasong ihahain ng lalawigan sa Canada.

Ang lalawigan ay planong maghain ng isang bagong kaso laban sa Placer Dome, Inc. at Barrick Gold Corporation para sa mga naging pinsala na dulot ng operasyon ng Marcopper Mining Corporation.

Ang Placer Dome ay shareholder ng Marcopper Mining Corporation. Noong 2006, nabili ng Barrick Gold, isa sa malaking kumpanya na nagmimina ng ginto sa mundo, ang malaking porsiyento ng ‘share’ ng Placer Dome. Ang Placer Dome at Barrick Gold ay parehong nakabase sa Canada.

Ang ‘Marcopper Mining disaster’ ay itinuturing bilang isa sa pinakamalaking kalamidad ng pagmimina sa Pilipinas kung saan ay sinira at winasak nito ang likas na yaman ng lalawigan lalo na ang mga bayan ng Boac at Mogpog.

Ang mga mamamayan sa pangunguna ng Marinduque Council for Environmental Concerns (Macec), Marinduque Reform Movement (MRM), kasama ang obispo ng lalawigan – Bishop Marcelino ‘Junie’ Maralit at mga kaparian ay maagang nagtungo sa loob ng ‘capitol building’ upang personal na saksihan ang pagpupulong ng sangguniang panlalawigan at upang harangin ang pagbibigay ng ‘authority’ kay Gov. Reyes na muling pumasok sa kontrata ng US law firm na Diamond McCarthy (DM) at ‘US third party funder’ na uutangan ng probinsiya.

Habang isinasagawa ang pagpupulong ng sangguniang panlalawigan, nagkaroon naman ng programa sa Boac covered court na pinangunahan ng grupo ng Bantay-Kaso (Marinduque Movement for Transparent and Accountable Disposition on the PGM-Barrick Case), isang civil society group ng Macec. Dito ay sinamahan sila nina Cong. Lord Allan Velasco, Mayor Roberto Madla, Vice Mayor Roberto Opis at dating bokal, Adeline Angeles.

Dahil sa kilos protesta, hindi natuloy ang planong pagbibigay ng ‘authority’ sa gobernadora. Nagresulta rin ito ng pagkakapasa ng ilang mahahalagang resolusyon kagaya ng pag-imbita ng iba pang interesadong ‘law firm’ kasama na ang Canadian firm na Trudel, Johnston and Lesperance na dati nang nagpahayag ng interes na direktang hawakan ang kaso sa Canada.

If this website has helped you in any way, consider donating. Even as little as 50 pesos or 1 dollar will be a great help. Thank you!



Posted in Uncategorized

Leave a Reply

error: Content is protected !!