CAUAYAN CITY, Isabela – Emosyonal si Governor Carmencita Reyes ng Marinduque sa pagdating ng rescue team at Humanitarian mission ng Isabela na nagdala ng daan-daang sako ng bigas at mga gamot para sa mga biktima ng bagyong Nina.
Sa report ng grupo na ipinadala ng pamahalaang panlalawigan sa Marinduque, sila ang kauna-unahang nagdala ng mga tulong sa nasabing lalawigan matapos ang bagyong Nina kaya napaluha umano si Gov. Reyes sa kanilang pagdating.
Agad ipinag-utos ni Gov. Faustino Dy III kay provincial administrator Atty. Noel Manuel Lopez ang pagbuo ng humanitarian mission matapos ang malawakang pinsala ng bagyong Nina sa rehiyon ng Bicol.
Nagdala sa Marinduque at Albay ang dalawang grupo nina PDRRMO Edmund Guzman at Mr. Sonny Daguio, pinuno ng DART Rescue 831 ng 1,000 sako ng bigas, mga generator, gamot at water purifier.
Si Gov. Dy ay board of director ng League of Provinces of the Philippines habang si Vice Gov. Antonio Albano ang presidente ng League of Vice Govenors of the Philippines.
Inihayag nila na ang pagpapadala ng pamahalaang panlalawigan ng humanitarian mission sa Bicol ay bilang ganti sa mga natanggap na tulong ng Isabela pagkatapos ng bagyong Lawin.
Ang lalawigan ng Bulacan at Dinagat Island ang unang nagpadala noon ng tulong sa Isabela.
Samantala, pagkatapos ng pagdiriwang ng bagong taon ay pangungunahan ni Lopez ang dalawang grupo ng humanitarian mission na magtutungo sa Batangas at Camarines Sur na labis ding sinalanta ng bagyong Nina.
Pabalik na ng Isabela ang grupo mula sa Marinduque habang nasa Albay ang grupo ni Edmund Guzman dahil gagamitin pa ang dala nilang water purifier ng tangke ng mga firetruck para may mai-supply na malinis na tubig sa mga residente. | Via Bombo Cauayan