Greenhouse at vermicomposting facilities itinayo sa Buenavista

BUENAVISTA, Marinduque – Nagtayo ng isang greenhouse facility ang Municipal Agriculture Office (MAO) sa lupang pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ng Buenavista sa barangay Malbog na kung saan ang mga itinanim dito ay ang mga organikong gulay.

Ilan sa mga halaman na pinapangalagaan ng MAO ay lettuce, bell pepper, talong, cassava, sitaw, okra at papaya na nagmula sa kanilang vermicomposting facility na nakatayo rin sa nasabing lugar. Bukod pa rito ay balak rin daw nila na magtanim ng broccoli at iba pang madahong gulay sa kanilang itinuturing na community garden.

Ang paraan ng kanilang pagtatanim ng mga halaman ay dumaraan sa tinatawag na vermicomposting na kung saan ay gumagamit sila ng uod tulad ng African night crawler para makagawa ng organikong pataba.

Read also: Pagsanay sa produksyon ng pulot sa Buenavista, Marinduque isinagawa ng UPLB

Ayon kay Municipal Agriculture Officer Felimon Castro, isa rin sa kanilang mga napipintong plano ay ibenta ang kanilang mga naaning gulay sa mga turista na dumarayo sa kalapit na Malbog Hot Spring. Aniya, nais umano ng kanilang tanggapan na gayahin ang pamamaraan ng pagtitinda ng strawberries sa Benguet na kung saan ay malayang makapipitas ng produkto ang mga mamimili na may malaking tulong din sa sektor ng turismo.

Upang mapanatili naman ang kaayusan ng greenhouse at vermicomposting facilities ay may itinalaga namang isang farm technician ang MAO na laging nakabantay sa lugar.

Nagmula naman ang budget na kanilang ginamit sa pagpapatayo nito sa Integrated Community Food Production (ICFP) na nasasailalim sa Bottom-up Budgeting ng kanilang munisipyo. -Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!