TORRIJOS, Marinduque – Pormal na isinagawa ang ‘groundbreaking ceremony’ at ‘laying of time capsule’ para sa konstruksyon ng Torrijos Municipal Police Station (MPS) Standard Building Type B/C sa Barangay Poblacion, Torrijos, Marinduque nitong Miyerkules, Hunyo 19.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan nina PCol. Nelson Bondoc – Deputy Regional Director for Administration ng Mimaropa, PCol. Crisenciano Landicho – Marinduque Police Provincial Director, Marinduque Gov. Romulo Bacorro, Jr., Torrijos Mayor Lorna Velasco, at iba pang opisyal mula sa hanay ng kapulisan at munisipalidad ng Torrijos.
Sa naging panayam ng Marinduque News kay PCpt. Dennis Mauricio, hepe ng Torrijos Municipal Police Station, kanyang sinabi na ang ipinapatayong bagong gusali ay pinondohan ng Philippine National Police (PNP) na nagkakahalaga ng 5.11 milyon. Nagdagdag din umano ng Php 800,000 ang lokal na pamahalaan ng Torrijos.
“Sa pagkakaroon ng ganitong imprastraktura na naaayon sa building standard ng PNP, sinisiguro natin, na hindi tayo mapapasok ng kalaban dahil may advantage position at defense posture ang ating ipagagawang police station building. Nagpapakita rin ito na ang ating bayan ay nagkakaroon ng malaking pagbabago dahil kaya nating makipagsabayan sa ibang lugar. Gayundin, sa pagkakaroon ng maayos na imprastratuka ay tumataas ang moral ng ating mga personnel”, paliwanag ni Mauricio.
Aniya, dalawang bayan lamang sa Marinduque ang napiling patatayuan ng bagong gusali at kabilang dito ay ang Mogpog Municipal Police Station. – Marinduquenews.com