BOAC, Marinduque — Umabot na sa mahigit ₱4 bilyon ang pondong inilaan ng pamahalaan para sa mga proyekto sa flood control sa buong lalawigan ng Marinduque mula 2021 hanggang sa kasalukuyan.
Batay sa datos na inilabas sa Sumbong Sa Pangulo website ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes, Agosto 11, pumalo sa kabuuang ₱4,043,267,807.61 ang halaga ng mga proyektong may kinalaman sa pagpigil ng pagbaha sa probinsya.
Ayon sa tala, ang pondo bawat taon ay ang sumusunod: ₱96,502,061.41 noong 2021; ₱742,835,733.26 noong 2022; ₱2,614,458,733.37 noong 2023; at ₱589,471,279.57 noong 2024.
Kabilang sa mga nakakuha ng may pinakamalalaking pondo ay ang HGG Builders & Supply na may ₱1,785,230,719.59, sinundan ng Sunwest, Inc. na may ₱289,494,842.08 at MAG Konstruction & Supply Inc./Monolithic Construction & Concrete Products, Inc. na may ₱192,995,358.25.
Narito ang listahan ng mga kontraktor ng flood control projects sa Marinduque simula 2021.

Samantala, ang Top 3 kontraktor na may pinakamaraming nakuha at naisagawang proyekto ay ang HGG Builders & Supply (8 proyekto), Jedidiah Construction (7 proyekto), at G.T.J. Construction (6 proyekto).
Ang proyektong may pinakamalaking alokasyon ng pondo ay ang konstruksyon ng flood control structure sa kahabaan ng Libtangin River sa Barangay Mangiliol, Gasan, na nagkakahalaga ng ₱241,248,643.68.
Sa kabuuan, may 60 flood control projects ang isinagawa sa buong Marinduque mula 2021.
Matatandaang sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA), iniutos ni Pangulong Marcos ang pag-audit sa lahat ng flood control projects na itinayo at pinondohan ng gobyerno. Hinikayat din niya ang publiko na magsumbong kung may makikitang katiwalian, sira, kulang sa kagamitan at hindi natapos sa pagpapatupad ng naturang mga proyekto.
“Mahiya naman kayo sa mga kababayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha! Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo, na binulsa niyo lang ang pera,” wika ng presidente.
Patuloy namang binabatikos ang pamahalaan dahil sa umano’y kabiguan ng mga flood control structures na magampanan ang layunin nito, lalo na sa tuwing may malalakas na pag-ulan. Giit ni Marcos, kailangang maging handa ang mga Pilipino sa tinatawag na “new normal” dulot ng climate change. — Marinduquenews.com