BOAC, Marinduque – Pansamantalang isinarado ang ilang bahagi ng Marinduque Provincial Hospital (MPH) matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 ang isang pasyente na na-confine doon kamakailan.
Dahil sa pangyayari, nagkaroon ng exposure sa nasabing COVID-19 patient ang may halos 27 health workers ng MPH.
Ayon kay Dr. Edgar Ancheta, hepe ng Marinduque Provincial Hospital, nagbawas ng serbisyo at isinara ang ilang bahagi ng ospital upang bigyang daan ang malawakang disinfection ng mga pasilidad.
“Pansamantala po nating isinara ang ating medicine ward. Isinama na rin po natin ang pedia ward dahil nasa isang building lamang ang mga ito. Nasa second floor po ang medicine ward at nasa ground floor naman ang pediatric ward”, pahayag ni Dr. Ancheta.
Dagdag pa ni Ancheta , limitado sa ngayon ang serbisyo ng radiology department maliban kung may mga ’emergency cases’.
Samantala, bukas lamang ang laboratory department simula 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m.
Kaugnay nito, lahat ng pasyenteng naka-admit sa medicine at pediatric ward ay inilipat sa Santa Cruz District Hospital.
Sinimulan na rin ang contact tracing activities sa mga nakasalamuha ng nagpositibong pasyente kasabay ng pagself-quarantine at isolation sa mga nabanggit na medical frontliners.
Sa Lunes, Setyembre 21, magbubukas at magbabalik operasyon ang mga nahintong serbisyo.
“Hindi naman po tuluyang nagsara ang Marinduque Provincial Hospital. Huwag po kayong mag-alala at sa Lunes babalik na po ang full operation ng ating ospital”, ani Ancheta.
Nananawagan naman ang hepe ng ospital na panatilihin ang pagsunod sa minimum health standards na ipinatutupad sa lalawigan kagaya ng pagsusuot ng facemask, paghuhugas ng mga kamay at pagpapairal ng physical distancing para matulungang mabawasan ang panganib sa mga health workers. – Marinduquenews.com