Hindi nakapasok ang ilang mag-aaral at guro ng Tigwi National High School (TNHS) sa Barangay Tigwi, Torrijos, Marinduque kaninang umaga, Hulyo 11. Tumaas kasi ang tubig-baha sa ilog na tinatawiran ng mga mag-aaral, guro at ilang residente sa naturang lugar sanhi ng malakas na buhos ng ulan simula pa kagabi.
Malaki rin ang resulta ng mga nakaharang na debris sa mabagal na paghupa ng tubig sa ilog. Matatandaan na sa kasalukuyan ay patuloy pa ring ginagawa ang konstruksyon ng tulay sa nasabing lugar.
Read also: Pinabayaang proyektong tulay sa bayan ng Torrijos, kalbaryo sa mga residente
Ayon kay Ms. Lea Minay, guro ng TNHS, “Kanina pagpasok ko ay malakas pa rin ang buhos ng ulan at nagsimula na ang pagbaha, mga 6:40 ng umaga. May detour po kasi na nakaharang sa ilog kaya lumaki ang tubig”.
“Kung mag-subside ang tubig at pwede ng makatawid baka mag-resume po ang klase mamayang hapon. Subalit, iyon pong mga mag-aaral na magmumula sa Barangay Buangan at Cabuyo ay baka hindi na makapasok sapagkat mamamasahe pa ulit sila”, dagdag pa ni Ms. Minay.
Read also: Tulay sa barangay Tigwi, Torrijos kailan matatapos?
Sa kasalukuyan ay nakakatawid na ang mga apektadong mamamayan sapagkat nilagyan na ito ng pansamantalang tulay.
Last updated on July 11, 2017 | 11:53 AM | Photo courtesy of Ms. Lea Minay