BOAC, Marinduque – Nakatanggap ng P80,000 na insentibo ang anim na lola na maituturing na centenarians o mga Marinduquenong umabot na sa edad na 100.
Ito ay matapos maisakatuparan ang ordinansang naglalayon na magbigay ng ayudang pinansyal at karagdagang tulong para sa mga naninirahan sa lalawigan na umabot na sa ganitong edad. Kung saan maliban sa P100,000.00 na insentibo na magmumula sa pamahalaang nasyonal ay makatatanggap rin ng karagdagang P80,000.00 ang mga centenarians na ibibigay naman ng pamahalaang panlalawigan.
Ayon kay Bokal Theresa P. Caballes, ang ordinansang kanilang binuo ay may kaugnayan sa batas nasyonal na may kinalaman sa pamimigay ng P100,000.00 sa mga senior citizen na may gulang na 100 pataas.
Ang mga nakatanggap ng cash incentive ay sina Marina Osar, 100 taong gulang; Graciana Labatete, 102 taong gulang; Rufina Mandalihan, 100 taong gulang; Simplicia Recana, 100 taong gulang at Felicidad Pedrialva, 100 taong gulang.
Bukod pa rito ay makatatanggap din sila ng P10,000 sa tuwing ipagdiriwang nila ang kanilang kaarawan, P2,000 para sa kanilang pagpapagamot at medikasyon at libreng pagpapaospital sa Dr. Damian Reyes Provincial Hospital, Sta. Cruz District Hospital at Torrijos Municipal Hospital.
Ang budget na nakalaan sa mga ito ay sapat para sa kanila na magmumula sa Provincial Budget Office.