BOAC, Marinduque – Binigyang diin ng direktor ng Sentro ng Wika at Kultura na si Dr. Randy Nobleza na mahalaga ang lakas ng kabataan upang mas lalo pang buhayin at bigyang kulay ang panitikan sa Pilipinas.
Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ng Filipinas, sinabi ni Nobleza, isang propesor sa Marinduque State College (MSC), na malaki ang kontribusyon ng imahinasyon at pagkamalikhain ng mga kabataan ngayon sa pamamagitan ng pagsulat at pagsalita.
“Maaari rin silang makagawa ng sarili nilang panitikan na mahalaga sa ating mga kababayan upang makapagsilbi tayo sa bayan”, sabi ni Nobleza.
Malaki rin umano ang maitutulong ng kabataan kung maisusulat nila ang kanilang idiyalismo hindi lamang sa social media kundi maging sa papel.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Sa pakikipagtalakayan kay Nobleza sa Kapihan sa PIA (Philippine Information Agency), mahalaga rin daw na malaman ng lipunan na ang panitikan, gaya ng mga nailathala ng mga manunulat ng Marinduque na sina Paz Latorena, Dindo Asuncion at Eli Obligacion, ay repleksyon ng imahinasyon at kaluluwa ng mga tao.
Naibahagi naman ni Rizalyn Magno, kumukuha ng programang AB English sa MSC, na mahalaga ang panitikan upang mapagkaisa ang mga tao para sa tamang pamamalakad ng pamahalaan.
“Ipakita natin na kaya nating magbuklod at magkaisa. Gaya noong panahon ng EDSA na nabago ang takbo ng gobyerno natin noon, hindi pa huli ang lahat upang magkaroon ng iisang damdamin at mithiin para muling buhayin ang simpatiya ng ating lipunan sa pamamagitan ng panitikan”, pahayag ni Magno.
Nananawagan din si Nobleza sa mga kabataan, lalo na sa mga mag-aaral ng Marinduque, na huwag masyadong bumatay sa teknolohiya upang makita nila ang pagkamalikhain ng isang komunidad at mapamangha ang makababasa ng kanilang ilalathang literatura na maaaring makabuo ng produktibong diskurso. –Marinduquenews.com