GASAN, Marinduque – Isinagawa sa paaralan ng Bangbang National High School (BNHS) ang serye ng kampanya ng Philippine Information Agency (PIA)-Mimaropa para sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa programa ng Department of Energy (DOE) na ‘E-Power Mo’.
Ang programang E-Power Mo ay naglalayong magbigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mabilis na pag-unlad ng sektor ng enerhiya at wastong paggamit ng kuryente.
Sa kampanyang naganap sa BNHS, nagkaroon ng diskusyon tungkol sa tamang pagkonsumo ng kuryente, sa pamamagitan ng puppet show presentation ng pangkat ng PIA Communications Group.
Sa isinagawang puppet show, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na kinabibilangan ng mga mag-aaral mula Grade 7-10, na lumahok sa ‘interactive activities’ patungkol sa ipinalabas na DOE E-Power Mo informercials.
Ang susunod na puppet road show ay gagawin naman sa Tanza Elementary School at Marinduque State College-Laboratory High School. –Marinduquenews.com