GASAN, Marinduque — Uumpisahan na ang pagpapatayo ng dalawang tulay sa bayan ng Gasan.
Ito ay matapos pangunahan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang groundbreaking ceremony para sa konstruksyon ng Bahi bridge at Antipolo (Hinubuan-Kalong) bridge na pinondohan sa ilalim ng 20% Development Projects Fund ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque.
Ayon kay Velasco, malaking tulong ang pagpapatayo ng mga tulay upang hindi na mahirapang tumawid ang mga residente ng barangay Bahi at Antipolo gayundin ang iba pang mga motorista.
Dagdag pa ng gobernador, patuloy ang ginagawang pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan sa pagsasakatuparan ng mga programa at proyekto na makapag-aangat sa ekonomiya ng probinsya.
Aabot sa P12 milyon ang pondo sa pagpapatayo ng Antipolo bridge habang P9.9 milyon naman ang nakalaan para sa Bahi bridge.
Dumalo rin sa pagpapasinaya sina Provincial Planning and Development Coordinator Marian Cunanan, Provincial Government of Environment and Natural Resources Officer Rolando Josue, Provincial Engineer Rodil Leal, First District Board Member Adeline Angeles at ilang mga opisyales ng barangay. — Marinduquenews.com