BOAC, Marinduque – Inaprubahan na ng mga kasapi ng Regional Development Council (RDC)-Mimaropa ang mungkahing proyekto ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque na magtayo ng overflow spillway sa barangay Bayuti sa bayan ng Boac.
Ang proyektong ito na Bayuti Overflow Spillway ay binalangkas upang matugunan na mabigyan ng solusyon ang madalas na pagbaha at pagguho ng lupa sa tuwing panahon ng tag-ulan.
Ayon sa project plan, tinatayang ang spillway ay may 50 metrong haba, isa at kalahating metro ang taas at may lapad na limang metro.
Sa pag-uulat ni Boac Mayor Roberto Madla noong nakaraang RDC Full Council Meeting, aabot sa P15 milyon ang gagastusin sa konstruksyon na magmumula sa Annual Investment Program (AIP) ng Department of Public Works and Highways ng Mimaropa.
Dagdag pa ni Madla, ang inaasahang spillway ay susubukan din na gawing small water impounding project o imbakan ng tubig para sa panahon ng tagtuyo. –Marinduquenews.com