BUENAVISTA, Marinduque — Habang buhay na hindi papayagang makapagtrabaho sa anumang pampublikong tanggapan ng gobyerno ang isang kumandidatong konsehal sa bayan ng Buenavista, Marinduque noong 2007 at 2010 national and local elections (NLE).
Ito ay matapos maglabas ng desisyon ngayong araw, Hunyo 10 ang Commission on Elections (Comelec) First Division na nagdidiskwalipika kay Andy Sario Mantaring dahil sa hindi pagsumite ng statement of contributions and expenditures (SOCE) noong kumandidato ito sa nakalipas na dalawang pangnasyunal at lokal na halalan.
“Andy Sario Mantaring failed to file SOCE’s in relation to his candidacy as member of Sangguniang Bayan in Buenavista, province of Marinduque during the 2007 and 2010 NLE thus he is perpetually disqualified from holding public office,” pahayag ng Comelec.
Kasunod nito ay pinagbabayad din si Mantaring ng administrative fine na nagkakahalaga ng P4,000 dahil sa paglabag nito sa ikalawang pagkakataon.
Gayunpaman, maaari namang iapela ang desisyon ng First Division sa Comelec en banc, hanggang sa Korte Suprema.
Sa ilalim ng Republic Act No. 7166 o ang Synchronized National and Local Elections and Electoral Reforms Act, lahat ng kandidato, manalo man o matalo, ay kailangang maghain ng kanilang SOCE sa Comelec sa loob ng 30 araw pagkatapos ng araw ng halalan. — Marinduquenews.com