BOAC, Marinduque – Ipinagdiwang sa lalawigan ng Marinduque ang ika-188 komemorasyon ng Labanan sa Paye sa Balimbing, Boac, Marinduque.
Ang pagpupugay sa mga Marinduqueno na nakipaglaban sa labanang ito kontra Amerikano ay isinagawa sa bantayog ng mga bayani sa pamamagitan ng pagbibigay ng 21-gun salute at pag-aalay ng bulaklak kasama sina Mayor Roberto Madla, Vice Mayor Robert Opis at Vice Governor Romulo Bacorro.
Ang taunang pag-alaala sa okasyong na dinaluhan ni Dr. Randy Nobleza bilang panauhing pandangal ay binigyan ng temang “Malasakit sa Kasaysayan, Kapayapaan at Kalikasan”. Napili si Nobleza bilang panauhing pandangal dahil nagmula siya sa magiting na bayani ng Labanan sa Paye na si Cabeza Simon Nobleza. Maliban sa kaniya ay naimbitahan din si Department of Interior and Local Government Regional Director Florida Dijan, DPA, CESO III.
Bukod sa mga opisyal at manggagawa ng pamahalaan, naging kaisa rin ng lokal na pamahalaan ang Boy Scout of the Philippines at Girl Scout of the Philippines mula sa mga mababa at mataas na paaralan ng Marinduque upang gunitain ang okasyon.
Wala namang pasok sa lahat ng ahensya ng gobyerno dahil idineklarang special non-working holiday ang araw na ito sa buong probinsya alinsunod sa Republic Act No. 9749. –Marinduquenews.com