BUENAVISTA, Marinduque — Patay ang isang lalaki matapos barilin ng pulis habang isinasagawa ng Buenavista Municipal Police Station (MPS) ang anti-illegal logging operation sa Sitio Pag-asa, Barangay Caigangan sa nasabing bayan.
Nakilala ang biktima na si Alberto Delos Reyes, 35-anyos, may asawa at residente ng Barangay Malbog, Buenavista.
Base sa ulat ng Marinduque Police Provincial Office (PPO), bandang alas 10:30 ng umaga noong Biyernes, Hulyo 30 ng makatanggap ng tip ang Buenavista MPS mula sa isang ‘concerned citizen’ kaya agad nagsagawa ng anti-illegal logging operation ang mga awtoridad na pinangunahan ni Police Corporal Jay Anthony Custodio.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, dalawang lalaki ang nakitang nagpuputol ng puno ng niyog, isa na roon si Delos Reyes at ang kasama nitong kinilalang si Efren Ornos.
Imbes na sumuko ay nagtakbuhan ang mga suspek at tinangka umanong tagain ni Delos Reyes si Custodio na nagresulta para barilin ng huli ang biktima habang nakatakas naman si Ornos na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10593 o ang batas na nag-aamyenda sa Coconut Preservation Act of 1995.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang bolo o itak na tinatayang may habang 20 pulgada at mga basyo ng bala mula sa 9mm na baril.
Samantala, isasailalim naman sa imbestigasyon ng Internal Affairs Service ng PNP si Custodio. — Marinduquenews.com