DALAHICAN, Lucena City – Mahigit isang libong pasahero ang stranded sa Talao-Talao Port Terminal sa barangay Dalahican, Lucena City dahil sa epekto ng Bagyong Usman.
Sa panayam ng Marinduque News kay Cris Olaguera, officer-in-charge ng Lucena Moriones Port Terminal sinabi nito, “Estimated ko po rito ‘yong nasa loob lamang ng terminal sa Talao-Talao Port ay nasa 1,000 na, hindi pa kasama ‘yong nasa covered court ng barangay Dalahican dahil hindi na nagpapasok ang PPA (Philippine Port Authority) kasi hindi na ma-accomodate ang mga pasahero sa loob ng terminal, lalo pa at umuulan wala na silang masisilungan dito.”
Samantala, umabot naman sa 20 sasakyan ang naipit sa pantalan ng Talao-Talao.
“Base sa latest forecast ng Pagasa kaninang alas 5:00 ng umaga, sa December 29 papasok pa lamang ang bagyo so probably baka bukas pa ng hapon ang balik ng biyahe”, dagdag pa ni Olaguera.
Una rito, nag-abiso ang coast guard na suspendido ang biyahe ng lahat ng uri ng sasakyang pandagat na aalis at magtutungo sa Marinduque alas 4:00 ng hapon nitong Huwebes, Disyembre 27. –Marinduquenews.com