Malkoha, nasagip ng Marinduque Animal and Wildlife Rescue Team

BUENAVISTA, Marinduque – Nasagip ng mga tauhan ng Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team (MAWRET) ang isang ‘endemic’ na ibon na kung tawagin ay Scale-Feathered Malkoha sa Barangay Malbog, Buenavista kamakailan.

Ayon kay Dr. Josue M. Victoria, Provincial Veterinary Officer, natagpuan ng binatilyong si Jherick Matining ang ibon na may scientific name na Phaenicophaeus Cumingi sa tabing sapa, bulubunduking bahagi ng Sitio Haynon, Barangay Malbog sa nabanggit na bayan.

Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay ipinarating sa Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo ang pangyayari na agad namang umaksyon upang sagipin ang ibon.

Sa ginawang pagsusuri ni Dr. Victoria ay napag-alaman na maysakit, payat at matanda na ang ibon. Matagal-tagal na rin umanong hindi kumakain ang Malkoha kaya nanghihina. Wala ring bali o sugat sa katawan ang ibon maliban sa mga balahibo sa buntot at pakpak na nawala o nalagas na kaya hindi ito makalipad.

Aniya, dahil nanghihina ang ibon ay sisikapin ng Provincial Veterinary Office na mabigyan ito ng agarang lunas.

“Ire-rehabilitate, pakakainin at bibigyan natin ng vitamin supplementation ang ibon sapagkat mukhang matatagalan pa ang kanyang paggaling,” pahayag ni Victoria.

Samantala, sakaling gumaling ang ibon ay agad itong ibabalik at pakakawalan sa kanyang natural habitat katulad ng karaniwang ginagawa ng MAWRET sa mga hayop na kanilang nasasagip.

“Ibabalik at pakakawalan namin ang Malkoha sa lugar kung saan ito unang natagpuan sapagkat ito ang aming protocol,” sabi ni Dr. Victoria.

Dagdag pa ng panlalawigang beterinaryo, ang Marinduque ay bahagi ng tirahan ng mga Scale-Feathered Malkoha na kabilang sa species ng cuckoo na endemic sa mga lalawigan ng Luzon. Karaniwan itong matatagpuan sa mga pangunahing kagubatan at low land areas. Kadalasang kinakain ng Malkoha ay mga prutas, maliliit na reptilya at mga insekto. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!