BOAC, Marinduque — Muling isasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang lalawigan ng Marinduque simula Setyembre 1 hanggang Setyembre 30.
Base sa inilabas na executive order (EO) ng pamahalaang panlalawigan na nilagdaan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. mananatili sa GCQ status ang probinsya dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang na tinamaan ng COVID-19 at pagkakaroon ng mga kaso ng Delta variant.
Nakasaad sa kalatas panlalawigan ang ilang mga pagbabago at mas pinahigpit na restriksyon.
Ipinagbabawal munang makapasok sa probinsya ang mga manlalakbay at mga turistang hindi residente ng Marinduque.
Kinakailangang kumuha ng Travel Coordination Permit (TCP) ang mga authorized person outside of residence (APOR) at NON-APOR bago sila payagang makapasok sa lalawigan. Papayagan lamang silang makapasok sa Balanacan port mula ika-6:00 ng umaga hanggang ika-11:00 ng umaga.
Inaatasan naman ang mga drayber ng rehistradong door-to-door vans na diretsong dalhin ang kanilang mga pasahero sa nakasasakop na Municipal Health Office para sa medical examination.
Ang nasabing mga drayber at pahenante ay kinakailangan ding sumailalim sa antigen test at ipakita ang sertipiko nito pagpasok sa Talo-talao port sa Lucena City. Dalawang linggo lamang ang bisa ng mga sertipiko. Sila rin ay kinakailangang kumuha ng TCP na may bisa ng isang buwan. Ang mga drayber ng van na hinahayaang magpasakay ng mga pasaherong walang TCP ay babawalan na makabiyahe sa Marinduque at maaaring patawan ng karampatang parusa.
Pinapayagan namang makapasok anumang oras sa probinsya ang mga sasakyang may dalang essential goods gayundin ang mga cargo delivery trucks sa kondisyong ang drayber at pahenante nito ay mayroong sertipiko ng negatibong resulta ng antigen test. Dalawang linggo lamang ang bisa ng nasabing sertipiko mula sa petsa ng issuance nito. Ang mga may-ari o operator ay kinakailangang kumuha ng TCP na may isang buwang bisa.
Samantala, ang mga APOR na binubuo ng mga opisyal o empleyado ng gobyerno, Overseas Filipino Workers at returning Filipino non-OFWs ay papayagang makapasok sa probinsya sa kondisyong magsumite ng mga nabanggit na requirements.
Bagamat exempted sa RT-PCR o antigen test ang mga kawani ng pamahalaan, sila naman ay kinakailangang sumailalim sa masusing medical examination subalit kung sila ay may sintomas habang isinasagawa ang medical at exposure assessment, sila ay sasailalim sa quarantine ng Rural Health Unit (RHU).
Nakapaloob din sa EO na ang mga dadalo sa anumang religious gatherings kasama na ang paglalamay dapat ay 30 porsiyento lamang ng venue capacity.
Sa ngayon ay pumalo na sa 1,968 ang kabuuang kaso ng coronavirus disease 2019 sa Marinduque habang 422 rito ang aktibo.
Ang probinsya ang nanatiling nangunguna sa may pinakamataas na aktibong kaso ng COVID-19 sa buong rehiyon ng Mimaropa. — Marinduquenews.com