BOAC, Marinduque – Bilang ayuda hindi lamang sa mga magsasaka, kung hindi sa lahat ng sambahayan na naapektuhan ng umiiral na ’emergency health crisis’ sa bansa dulot ng COVID-19 pandemic, nagpapatuloy ang Food Always In The Home o FAITH program sa lalawigan ng Marinduque.
Ang FAITH program ay inisyatiba ng Provincial Agriculture Office (PAO) na layong makatulong sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga butong pananim kagaya ng okra, pechay, monggo, mustasa, kangkong, labanos at iba pa.
Ayon kay Provincial Agriculture Officer Armando Pedrigal, tinatawag ding ‘Survival Gardening for Every Household’ ang programang ito.
“Kailangang matulungan at maturuan natin ang ating mga kababayan na gamitin nila sa maayos at makabuluhan ang kanilang mga oras habang naka-quarantine. Binibigyan natin sila ng mga butong pananim para sa mga darating na buwan ay mayroon silang gulay na aanihin,” pahayag ni Pedrigal.
Tinatayang nasa 135 barangay o may kabuuang 3,848 household na ang nabahaginan ng programang ito.
Ngayong buwan ay inaasahan ang pagdating ng ikalawang pangkat ng mga butong pananim na nakatakdang ibigay sa mga natitirang barangay na hindi napasama sa unang sigwada ng pamamahagi.
Samantala, upang mapalawig ang FAITH program, naglaan ng karagdagang pondo mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang pamahalaang panlalawigan na nagkakahalaga ng P249,000.
“Ipagpapatuloy namin ang programang ito kahit tapos na ang COVID-19 pandemya dahil nakita namin na ‘yong ibang mga benepisyaryo ay nakapagbenta pa ng mga ani nilang gulay. Ibig sabihin, nakapagbigay tayo ng hanap-buhay para sa kanila,” patapos na pahayag ni Pedrigal. – Marinduquenews.com