“Eleksyon nanaman!”, bulalas ni Allan.
“Eh ano ngayon?”, biglang tanong ni Violy.
“Wala laang, bigla laang akong napaisip. Kailangan ko na palang anihin ang mga tanim sa bukid. Wala akong apakain sa mga madating na panauhin”, dugtong pa ni Allan.
“Siya ngani pala, madating ang bilas ko at may dala siyang isang kabang bigas. Maaari ko itong gamitin para ipamudmod sa kanila.”
“Talaga baga? Pero balita ko, hindi nanggaling sa kanyang bulsa ang ginastos para sa kaban”, pakutyang tugon ni Violy.
Bahagyang napaisip si Allan sabay tutol nang may pagmamatigas, “Huwag ka na nganing maghugas-kamay, Violy. Alam nating pareho kung ano ang kalakaran dito!”
Natigilan ang kanyang kausap habang pilit na inililihis ang paksa ng usapan. “Haha. Umaasa ka pa rin bang pakikinggan ka nilang muli? Hindi kaya hamak na mas subok namin ang pamamalakad dito”, ani Violy.
“Wala na ang mayor, Violy. Tapos na ang maliligayang araw ninyo. Kami naman”, pagmamayabang ng mas nakababatang si Allan.
“Atingnan na laang natin sa darating na eleksyon”, sagot naman ni Violy.
“Bulag ang mga taga-rito. Kahit harap-harapan mong gawan ng kalokohan, titingalain ka pa nila ng buong paggalang”, dagdag pa ni Violy.
Isang bagay naman ang kanilang napagkasunduan.
Bilang nagmula sa mga angkan ng panginoong may lupa, tanging hanggad lamang nina Allan at Violy ay maglingkod sa bayan, ngunit handa silang bilhin ang karapatan ng iba alang-alang sa pagtatamasa nito.
Maya-maya pa’y dumating si Juan, isa sa mga inaabangan nilang panauhin. Siya ay hamak at ordinaryong mamamayan lamang. Dukhang maralita ngunit sa awa ng Diyos ay nakapag-aral na anila Violy at Allan ay sa pamamagitan ng scholarship at tulong nila.
“Magandang araw po! Maaari ho bagang magtanong?”, bungad na pananalita ni Juan.
“Tingnan mo ngani naman itong si Juan, nakapagtapos ng dahil sa akin”, buong pagmamayabang ni Allan habang pinariringgan si Violy.
“Aba, aba, magtigil ka Allan! Ako kaya ang tumulong sa kanya na magkaroon ng diploma.”
“Tayka laang ho, ang buong pag-aakala ko ay bahagi ng inyong tungkulin na tulungan ang mga katulad naming mahihirap sapagkat unang-una’y nanggaling sa kaban ng bayan ang ginugol ninyong salapi sa akin?”, ang paglilinaw ni Juan na ikinainis ng dalawang nagatalo.
“Iyan baga ang itinuturo sa inyong eskwelahan, Juan? Anong tungkulin ang pinagsasasabi mo?”, ani Violy.
“Kami ang nagpaaral sa iyo! Marapat laang na matuto kang tumanaw ng utang na loob,” galit na pangaral ni Allan kay Juan.
“Kaya pala…”, may pangungutyang tugon ni Juan.
Walang anu-ano’y pumasok ang matandang bilas na inaasahang panauhin ni Allan. Dala-dala ang isang kabang bigas, bagay na ikinainis naman Violy na tangkang aalis na.
“At narito na ang matandang hukluban! Manapa’y mauuna na ako.”
“Oh tayka laang. Masyado namang mainit ang ulo mo, Violy. Bakit baga kasi hindi pa kayo makuntento sa ilang taon ninyong pag-upo sa pwesto? Tama na ang dinastiya!” sabi ng matanda.
Si Juan na naroon laang at bahagyang nakikinig ay napilitang magsalita”, Hindi ho ba ang ginagawa ninyo’y walang pinagkaiba? Pare-pareho kayong may nakaw na kaban at pami-pamilyang nagpapayaman?”
“Bastos kang hampas-lupa ka!”, panggagalaiti ni Violy sabay sampal kay Juan. Napahimutok at napa-aray ito sa sakit.
Dahilan sa pang-iinsultong natanggap, kaagad na bumunot ng baril ang matandang hukloban sabay putok nito sa noon ay dumaraing na si Juan. Tinamaan ito sa puso na kaniyang agad na ikinamatay.
“Que mandurukot, que dinastiya…sa ami’y walang makapipigil,” sabay na bigkas ng tatlong may sala.
“Tulungan ninyo ako mga kababayan!”, huling nasambit ni Juan bago pa siya tuluyang binawian ng buhay.
Disclaimer: The views and opinion in this story are those of the author and do not necessarily reflect the views of Marinduque News.