BOAC, Mariduque — Nagbigay ng relief packs ang Mercury Drug Foundation, Inc. (MDFI) sa pamahalaang panlalawigan ng Marinduque, kamakailan.
Personal na dinala ng mga kinatawan ng Mercury Drug sa tanggapan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang 200 relief packs na naglalaman ng 2 purified/mineral water (1 liter), 10 instant noodles (65 grams), 6 sardines in tomato sauce (155 grams), 12 cereal drink (40 grams) at 5 medicated patch (2’s).
Sa liham na pinadala ni Annie T. Fuentes, executive director ng Mercury Drug Foundation, Inc., ipinahayag nito na ang nasabing mga ayuda ay nakalaan para sa mga biktima ng nagdaang kalamidad na aniya, base sa kanilang ginawang monitoring ay malaki ang iniwang pinsala sa probinsya.
Matatandaan na Nobyembre noong isang taon ng hagupitin ng bagyong Rolly at Quinta ang lalawigan.
Samantala, matapos ang maikling turnover ng mga relief good ay nagpasalamat ang gobernador sa pamunuan ng MDFI.
“Nagpapasalamat po ako sa Mercury Drug Foundation, Inc. sa tulong na inyong ibinigay sa amin. Napakalaking tulong po nito para sa aming mga kababayan na lubhang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo,” pahayag ni Velasco.
Ang Mercury Drug Foundation, Inc. ay isang non-profit organization at social development arm ng Mercury Group of Companies, Inc. na may layuning nakatuon sa pagbuo ng isang malusog, edukado at produktibong bansa. — Marinduquenews.com