BOAC, Marinduque — Bilang pagkilala sa hindi matatawarang paglilingkod ng mga Barangay Nutrition Scholar (BNS), nagbigay kamakailan ang pamahalaang panlalawigan kasama ang Provincial Nutrition Office (PNO) ng tulong pinansyal o honorarium na nagkakahalaga ng P3,450 bawat isa.
Ayon kay Dr. Rubi Apiag, provincial nutrition action officer, ang halagang P1,200 na ipinamahagi sa mga BNS ay mula sa pondo ng National Nutrition Council (NNC) na binibigay sa kanila taun-taon habang ang P2,250 naman ay mula sa pondo ng pamahalaang panlalawigan.
“Bilang head ng Provincial Nutrition Office, lubos akong nagpapasalamat sa mga BNS, kahit wala silang sweldo, honorarium lamang, sila naman ay maraming performances or accomplishments sa kanilang mga barangay. Buwis buhay talaga sila kahit nakakapagod. At saka iyong pang-unawa ng kanilang mga asawa, ng kanilang pamilya, na makapagtrabaho sila bilang coordinator at implementor pagdating sa nutrition program, full support talaga sila,” wika ni Apiag.
Samantala, pinasalamatan din ni Gov. Presbitero Velasco Jr. ang kontribusyon ng mga barangay nutrition scholar sapagkat napakalaki aniya ng tulong na ibinibigay ng mga ito para siguraduhin ang maayos na kalusugan ng mga batang Marinduqueno.
“Nakakatuwa po at nakatitiyak ako na iyong mga natulungan ninyong kabataan at magulang ay nasa puso nila ang pasasalamat. Alam po nila na ang laki ng sakripisyo ninyo para makatulong sa kanila sa pagpapalaki sa mga kabataan. Maraming salamat po sa patuloy ninyong pagseserbisyo at asahan ninyo na pagdating ng araw ay gaganda pa ang ating benepisyo. Gaganda po ang ating buhay at uunlad po tayong lahat,” pahayag ng gobernador.
Ang mga BNS ay katuwang ng pamahalaan upang subaybayan at alagaan ang kalusugan ng bawat mamamayan. Ilan sa kanilang mga gampanin ay ang pag-monitor ng nutritional status ng bawat kabataan, pagtitimbang sa mga sanggol, pagkakaroon ng mga feeding program para sa mga kulang ang timbang at pagsasagawa ng survey at family profiling. — Marinduquenews.com