BOAC, Marinduque — Tumanggap ng food packs, t-shirts at solar-powered flashlights ang nasa 1,573 na mga barangay tanod sa buong lalawigan ng Marinduque, kamakailan.
Ayon kay Gov. Presbitero Velasco, Jr., sa pamamagitan ng programang Barangay Ronda Team ay nagkaloob ang pamahalaang panlalawigan ng mga pangunahing pangangailangan ng mga tanod para maging epektibong tagapagtanggol ng pamayanan.
“Ang pamamahagi ng naturang mga kagamitan ay bilang pagpapahalaga at pasasalamat sa sakrispisyo at dedikasyon ng mga barangay tanod sa pagseserbisyo sa komunidad sa kabila ng maliit na honararium na natatanggap mula sa gobyerno,” pahayag ng punong panlalawigan.
Dagdag pa ni Velasco, nabuo ang programa upang kilalanin ang mahalagang kontribusyon ng mga barangay tanod sa pagsasaayos ng kapayapaan sa pamayanan lalo’t higit ang pagpapanatili bilang ‘Most Peaceful Province’ ng Marinduque.
Sa ilalim ng Local Government Code of 1991, ang mga tanod ang naatasan bilang pangunahing hanay na magtatanggol at magpapalaganap ng katahimikan, kaayusan at seguridad sa barangay at bansa. — Marinduquenews.com