Mga benepisyaryo ng 4Ps sa Marinduque, patuloy sa pagrerehistro ng PhilIDs

BOAC, Marinduque — Nagsanib-pwersa ang Philippine Statistics Authority (PSA)-Provincial Statistical Office at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maihatid ang mga programa at serbisyo ng Philippine Identification System (PhilSys) sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa lalawigan ng Marinduque.

Layunin ng tatlong araw na gawain na mapahusay ang access ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa mga serbisyo ng gobyerno partikular ang mga social at financial assistance program.

“Hangad ng PSA na palawigin ang serbisyo ng PhilSys, gawing moderno at pasimplehin ang proseso sa pagkuha ng PhilID para mas maging mabilis ang kanilang transaksyon sa mga programa ng pamahalaan,” pahayag ni chief statistical specialist Gemma Opis.

Kabilang sa mga serbisyong pinagtuunan ng pansin ay ang pagrerehistro sa national identification system, pagkakaloob at authentication ng PhilID at ePhilID sa pamamagitan ng walong itinalagang co-location sites ng Family Development Session (FDS).

Bilang resulta ng pagtutulungan ng dalawang ahensiya, matagumpay na nairehistro sa PhilSys ang may kabuuang 24 na benepisyaryo habang umabot sa 459 na mga indibidwal ang nakapagpa-authenticate ng kanilang PhilSys ID.

Inaasahang magpapatuloy ang proyekto hanggang Hunyo ng taong ito kasabay ang paghihikayat sa mga residenteng hindi pa rehistrado na magtungo at bumisita sa pinakamalapit na tanggapan ng PSA para magpatala. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!