BOAC, Marinduque — Ipinamahagi ng Provincial Agriculture Office ang mga kagamitan mula sa Department of Agriculture (DA) para sa organikong pagsasaka sa mga benepisyaryo sa probinsya ng Marinduque.
Sa ilalim ng Organic Agriculture Program ng DA, ipinagkaloob sa Sta. Cruz Organic Agriculture (SCOA) Core Group at Boac Organic-All Together Conquer and Thrive (Bo-ACT) Core Group ang iba’t ibang farm inputs, supplies at equipment.
Kabilang sa mga ipinamahagi na kagamitang pansaka ay 16 na plastic drums, 20 plastic crates, isang kariton, 4 na rolyo ng hose sa hardin, 8 piraso ng mga kalaykay, at 4 na piraso ng mga sprayer.
Nagbigay din ng dalawang set ng power sprayers na mahalaga para sa paglalagay ng mga organikong pestisidyo at nutrients na makatutulong para mapuksa ang peste at mapanatili ang kalusugan ng halaman sa isang eco-friendly na paraan.
Ayon kay Assistant Provincial Agriculturist Susan Uy, ang naturang mga gamit ay ang pang-araw-araw na kailangan sa operasyon ng bawat sakahan na malaki ang maitutulong sa mahusay na paghawak at pag-iimbak ng mga produktong agrikultural. — Marinduquenews.com