Mga lansangan sa Poblacion, Boac napailawan ng solar lights

BOAC, Marinduque — Kabilang sa mga layunin ng pamahalaang bayan ng Boac ay ang patuloy na pagpapaganda ng munisipalidad at masigurong ligtas, maliwanag ang bawat daang nasasakupan nang sa gayon ay maiwasan ang anumang aksidente pagsapit ng gabi.

Kamakailan ay inumpisahan na ang isa sa mga pangunahing programa ng Boac LGU. Ito ay ang paglalagay ng solar-powered streetlight sa mga barangay na nasasakupan ng Poblacion District na pinangunahan ng Municipal Engineering Office.

Mayroong 98 streetlights na nakalaan para sa nasabing mga barangay na pagaganahin ng enerhiya na magmumula sa solar power.

Sinabi ni Mayor Armi Carrion na sa pamamagitan ng Solar Light Project ay malaki ang kuryenteng matitipid ng lokal na pamahalaan.

Dagdag pa ng alkalde, makatutulong din ang proyektong ito sa pag-aalaga at pag-iingat sa inang kalikasan.

“Nawa po ang mga ilaw na ito ay hindi lamang magbigay ng liwanag sa ating dinaraanan tuwing gabi bagkus ay magsilbi ring inspirasyon sa paggamit natin sa mga bagay na may layong makapagkonserba ng enerhiya at mapangalagaan ang ating kalikasan para sa susunod na henerasyon”, pahagay ni Carrion.

Dagdag pa ng alkalde, “Ang proyekto pong ito ay sustainable at isa sa mga best green technology innovations na isinakatuparan ng ating tanggapan”.

Sa kasalukyan ay napailawanan na ang 13 bracket type streetlights sa Public Market Building, kahabaan ng Barangay Isok 1, kasama na ang Magsaysay Street, Plaza ng Boac at Barangay Mercado habang nagpapatuloy naman ang pagtatakid sa iba pang natitirang lugar ng Poblacion. — Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!