Mga mag-aaral sa Marinduque tumanggap ng P5K para sa educational at food assistance

BOAC, Marinduque — Tumanggap kamakailan ng educational at food assistance na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa ang mga mag-aaral na magsisipagtapos ngayong taon sa Marinduque State College (MSC).

Ayon kay Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang ipinamahaging tulong pinansyal sa nasa 500 estudyante ay nagmula sa tanggapan ni Sen. Imee Marcos kung saan ay naglaan ito ng humigit P2.5 milyon na pondo para sa mga mag-aaral sa lalawigan.

“Patuloy po ang pakikipag-ugnayan ng ating pamahalaan sa iba’t ibang sektor at indibidwal kagaya ni Sen. Marcos para makapagbigay tayo ng tulong at suporta lalo na sa ating mga minamahal na estudyante na magsisipagtapos dahil batid namin ang hirap at sakripisyo ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang kung kaya’t binibigyang prayoridad natin ang edukasyon,” pahayag ng gobernador.

Samantala, sa mensahe ni Sen. Marcos sa mga mag-aaral ay sinabi nito na patuloy s’yang magiging kabahagi ng mga mamamayan para solusyonan ang mga pangunahing problema ng komunidad lalo na ng mga kabataan.

Nagpasalamat naman si MSC president Diosdado Zulueta sa lahat ng mga naging kabahagi para maging posible ang proyekto lalo na kay Senador Marcos sapagkat nabiyayaan ang mga mag-aaral sa kanilang pamantasan. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!