Mga residente ng Boac, tumanggap ng pamaskong handog

BOAC, Marinduque — Umabot sa 18,375 na pamilya ang nabiyayaan ng food packs sa ginawang pamamahagi ng pamaskong handog ng lokal na pamahalaan ng Boac.

Ang pamaskong handog na sinimulan ng pamahalaang bayan katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Office of the Community Affairs ay naglalayong mabigyan ng regalo ang bawat pamilya sa 61 barangays ng bayan ng Boac na sinimulan noong taong 2018.

Sa unang araw ng pamamahagi ay nagtungo sina Mayor Armi Carrion, Vice Mayor Mark Seño, Municipal Administrator Carlo Jacinto at Konsehal Alejnic Solomon sa mga barangay ng Tampus, Mataas na Bayan, San Miguel, Isok I, Isok II, Mansiwat, Murallon, Mercado at Malusak.

Sa mensaheng ibinigay ni Carrion, binigyang-diin niya ang pagpapahalaga ng pamilyang sama-sama sa pagdiriwang ng Pasko. Dagdag niya, ang diwa ng pasko ay pagmamahalan at pagbibigayan sa kapwa.

“Ito po ay ika-anim na taon na nating ginagawa dahil na rin sa kagustuhan ng ating pamahalaang bayan na mayroon po kayong mapagsaluhan nang sama-sama kapag Pasko. Bagama’t ito po ay kakaunti lamang ngunit ang mas mahalaga po ay magdiriwang ang bawat pamilya ng sama-sama,” pahayag ng alkalde. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!