Mga tricycle driver sa Boac, nakiisa sa transport summit

BOAC, Marinduque — Inorganisa ng lokal na pamahalaan ng Boac ang isang malawakang transport summit na pinangalanang ‘Bida ka, Ka-pasada!’ na dinaluhan ng nasa 236 na tricycle operators at drivers.

Layunin ng aktibidad na mabigyan ng tamang impormasyon ang mga tsuper ng tricycle hinggil sa mga ordinansang ipinatutupad ng pamahalaang bayan, mga benepisyo mula sa iba’t ibang ahensiya at mga batas ukol sa ligtas na pagmamaneho.

Sa mensahe ni Vice Mayor Mark Anthony Seño, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng bawat isa sa pagpapaunlad ng turismo sa pamahalaang bayan at ang kagustuhan na maiangat ang kalidad ng sektor ng transportasyon.

Nagpasalamat din ang pangalawang punongbayan sa suportang patuloy na ipinagkakaloob ng iba’t ibang tricycle operators at drivers associations para sa ikauunlad ng buong bayan.

“Ito pong isinasagawa nating summit ay napakahalaga dahil sa mithiin natin na maiangat ang kalidad ng serbisyo ng ating mga magigiting na tricycle driver. Ang pamahalaang bayan sa pangunguna ni Mayor Armi Carrion ay buo ang suporta dahil alam naman natin na ang mga tricycle driver ay katuwang ng gobyerno pagdating sa turismo. Kaya nagpapasalamat ako sa inyong lahat sa paglalaan ng oras at kakayahan para sa aktibidad na ito. Ang araw na ito ay para sa inyo dahil kayo ang bida ngayon,” pahayag ni Seño.

Ipinahayag naman ni Mayor Armi DC. Carrion na sa pamamagitan ng summit ay nabigyan ng wastong kaalaman tungkol sa regulasyon, modernisasyon at mga bagong hamon na kinakaharap ng mga tricycle driver at operator.

“Lubos din po akong nagagalak sa pagkakataon na maging bahagi ng ganitong aktibidad na naglalayong mapabuti ang aming serbisyo at makamit ang mas mataas na kalidad ng transportasyon para sa ating mga pasahero at ka-pasada. Umaasa po ako na sa pamamagitan ng summit na ito mas magiging matatag ang pagtutulungan ng ating pamahalaan at mga ka-pasada na tricycle driver,” wika ng alkalde.

Sa pagtatapos ng programa ay tumanggap ang mga indibidwal ng sertipiko, tumbler at tent na magagamit sa kanilang araw-araw na pamamasada.

Dumalo rin sa gawain si Municipal Administrator Carlo Jacinto, mga opisyal ng Municipal Tricycle Regulatory Board (MTRB), mga kinatawan mula sa PhilHealth, Social Security System, Stronghold Insurance Company Inc., Boac Municipal Police Station, Land Transportation Office at Highway Patrol Group (HPG).

Nagbigay din ng suporta sina Vice Governor Adelyn Angeles, Bokal Jose Neryl Manggol bilang kinatawan ni Gov. Presbitero Velasco Jr. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!