Mga young journalist sa Marinduque, nagtagisan ng galing sa DSPC

BOAC, Marinduque — Nagtagisan ng galing sa katatapos lamang na Division Schools Press Conference (DSPC) ang mga susunod na mga kabataang mamamahayag sa probinsya ng Marinduque na idinaos sa Boac South Central School nitong Enero 22-24.

Ito ay bilang tugon sa Republic Act No. 7079 o ang “Campus Journalism Act of 1991” kung saan ang bawat paaralan sa bansa ay inaatasang magsagawa ng ‘schools press conference’ upang itaguyod ang pag-unlad at paglago ng malayang pamamahayag.

Nag-umpisa ang programa sa pamamagitan ng pagpapakilala sa mga panauhin na pinangunahan ni Schools Division Superintendent, Dr. Lynn G. Mendoza gayundin ang mga kalahok mula sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan.

Kabilang sa mga tampok na kategoryang pinaglabanan ay ang news, feature, editorial, sports, copyreading at science and technology writing kasama na ang photojournalism at editorial cartooning.

Mainit ding inabangan ang group contest na binubuo ng TV at radio scripting and broadcasting, collaborative desktop publishing at online publishing habang nagpasiglahan din ang mga kalahok sa school paper contest.

Sa huling araw ay itinanghal na kampeon para sa TV & radio scriptwriting and broadcasting (English category) ang Landy National High School at ang Makapuyat National High School para sa Filipino category habang nag uwi rin ng iba’t ibang parangal ang mga kalahok mula sa Buenavista, Matuyatuya, Bangbang at Marinduque National High School gayundin ang Mogpog National Comprehensive High School.

Ang mga nakakuha ng unang gantimpala sa bawat kategorya ay nakatakda namang lumahok sa Regional Schools Press Conference na inaasahang gagawin sa Angel’s Hills, Tagaytay sa darating na Pebrero 18-21. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!